Nagpapabatid si `Abdullāh bin Mas`ūd (malugod si Allāh sa kanya) na ang Propeta (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan) ay nagturo sa kanila ng talumpati ng pangangailangan. Ito ang sinasabi sa sandali ng pagpapasimula ng pananalita sa mga talumpati at sa harap ng pangangailangan nila, gaya ng talumpati ng pagkakasal, talumpati sa ṣalāh sa Biyernes, at iba pa sa mga ito. Ang talumpating ito ay naglaman ng mga dakilang kahulugan gaya ng paglilinaw sa pagkakarapat-dapat ni Allāh sa lahat ng mga uri ng papuri, paghiling ng pagpapatulong mula sa Kanya – tanging sa Kanya: walang katambal sa Kanya, pagtatakip ng mga pagkakasala at pagpapalampas sa mga ito, at pagdulog sa Kanya laban sa lahat ng mga kasamaan ng sarili at iba pa sa mga ito. Pagkatapos nagpabatid ang Propeta (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan) na ang kapatnubayan ay nasa kamay ni Allāh, kaya ang sinumang pinatnubayan Niya ay walang magliligaw rito at ang sinumang iniligaw ni Allāh ay walang magpapatnubay rito. Pagkatapos binanggit niya ang pagsaksi sa Tawḥīd: na walang sinasamba ayon sa karapatan kundi si Allāh; at ang pagsaksi sa pagkasugo: na si Muḥammad ay Lingkod ni Allāh at Sugo Niya. Winakasan niya ang talumpating ito sa pamamagitan nitong tatlong talatang naglalaman ng pag-uutos ng pangingilag magkasala kay Allāh sa pamamagitan ng paggawa sa mga ipinag-uutos Niya at pag-iwas sa mga sinasaway Niya bilang paghahangad ng kaluguran ng mukha Niya. Ang ganti sa sinumang gumawa niyon ay ang kaayusan ng mga ginagawa at mga sinasabi, ang pagtatakip-sala sa mga masagwang gawa, ang kapatawaran sa mga pagkakasala, ang kaaya-ayang buhay sa Mundo, at ang pagtamo ng Paraiso sa Araw ng Pagbangon.