Sumaway ang Propeta (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan) laban sa apat na bagay: A. Ang pagpigil sa babae sa paglalakbay ng isang distansiya ng dalawang araw [na paglalakbay] nang wala ang asawa niya o ang isa sa mga maḥram niya. Ang maḥram ay ang sinumang ipinagbawal mapangasawa sa isang pagbabawal na isinamagpakailanman kabilang sa mga kamag-anak gaya ng anak, magulang, anak ng lalaking kapatid, anak ng babaing kapatid, tiyuhin sa ama, tiyuhin sa ina, at tulad nito. B. Ang pagsaway laban sa pag-aayuno sa araw ng Pagdiriwang ng Pagtigil-ayuno (Eidulfitr) at araw ng Pagdiriwang ng Pag-aalay (Eidul'adha), maging pinag-ayunuhan man ito ng Muslim dahil sa isang panata o isang pagkukusang-loob o isang panakip-sala. C. Ang pagsaway laban sa ṣalāh ng pagkukusang-loob matapos ng ṣalāh sa hapon hanggang sa lumubog ang araw at matapos ng ṣalāh sa madaling-araw hanggang sa sumikat ang araw. D. Ang pagsaway laban sa paglalakbay papunta sa isa sa mga pook at ng paniniwala sa kainaman nito at paniniwala sa pagpapaibayo ng mga magandang gawa rito na iba pa sa Tatlong Masjid na ito. Kaya hindi isinasagawa ang mga natatanging paglalakbay papunta sa iba pa sa tatlong ito para magsagawa ng ṣalāh doon sapagkat ang pabuya ay hindi pinag-iibayo kundi sa Tatlong Masjid na ito: Al-Masjid Al-Ḥarām (Ang Masjid na Pinakababanal), Al-Masjid An-Nabawīy (Ang Masjid na Pampropeta), at Al-Masjid Al-Aqṣā (Ang Masjid na Liblib).