Nagpabatid si `Ubadāh bin Aṣ-Ṣāmit (malugod si Allāh sa kanya) – na noon ay kabilang sa nakasaksi sa pinakamalaking labanan sa Badr habang siya ay malaking tao ng lipi niya, na mga nanguna para magsagawa ng pangako ng katapatan para sa pag-adya sa Sugo ni Allāh (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan) noong gabi ng `Aqabah na nasa Minā, nang ang Sugo ay nasa Makkah bago ng paglikas nito sa Madīnah – na ang Propeta (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan) ay nakaupo sa gitna ng mga Kasamahan niya saka humiling sa kanila na makipagkasunduan sila sa kanya sa mga sumusunod: Una. Hindi sila magtatambal sa pagsamba kay Allāh ng anuman kahit pa man kaunti; Ikalawa. Hindi sila magnanakaw; Ikatlo. Hindi sila gagawa ng kahalayan ng pangangalunya; Ikaapat. Hindi sila papatay ng mga anak nila: mga lalaki nila dala ng takot sa karalitaan o mga babae nila dala ng takot sa kahihiyan; Ikalima. Hindi sila magdadala ng isang kasinungalingang nilikha-likha nila sa pagitan ng mga kamay nila at mga paa nila yayamang ang karamihan sa mga gawain ay nagaganap sa mga ito kahit pa nakilahok ang natitira sa mga bahagi ng katawan; Ikaanim. Hindi sila susuway sa Propeta (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan) sa isang nakabubuti. Ang sinumang nanatili kabilang sa kanila sa kasunduan at nagpaobliga roon, ang pabuya sa kanya ay nasa kay Allāh. Ang sinumang gumawa ng anuman mula sa nabanggit – bukod pa sa pagtatambal – parurusahan siya dahil dito sa Mundo sa pamamagitan ng pagpapatupad ng takdang parusa sa kanya ngunit ito ay isang panakip-sala para sa kanya at sa pamamagitan nito naaalis ang kasalanan. Ang sinumang gumawa mula roon ng anuman pagkatapos nagtakip sa kanya si Allāh, ang nauukol sa kanya ay nasa kay Allāh. Kung niloob Nito, magpapaumanhin Ito sa kanya; at kung niloob Nito, magpaparusa Ito sa kanya. Kaya nangako ng katapatan sa kanya ang lahat ng mga nakadalo ayon doon.