Nagpapabatid ang Propeta, pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan, na si Allāh ay higit na matindi sa pagkatuwa sa panunumbalik ng lingkod Niya sa Kanya sa pamamagitan ng pagtalima nito at pagsunod sa utos Niya nang taos sa puso nito kaysa sa pagkatuwa ng isa sa inyo na dati ay nasa lupang disyerto, na walang isa man sa paligid niya, walang tubig, walang pagkain, at walang mga tao. Nawala pa ang kamelyo niya kaya sinimulan niyang hanapin ito ngunit hindi niya natagpuan ito. Pumunta siya sa isang punong-kahoy at natulog sa ilalim nito habang naghihintay ng kamatayan. Nawalan na siya ng pag-asa sa kamelyo niya. Nawalan na siya ng pag-asa sa buhay niya dahil ang pagkain niya at ang inumin niya ay lulan ng kamelyo niya at ang kamelyo ay nawala. Habang siya ay gayon, natagpuan niya ang kamelyo niya, na biglang nasa tabi niya habang nakakabit na ang renda nito sa punong-kahoy na siya ay natutulog sa ilalim niyon. Sa aling bagay masusukat ang pagkatuwang ito? Ang pagkatuwang ito ay hindi maaaring maguniguni ng isa man maliban sa sinumang nasadlak sa tulad ng kalagayang ito! Dahil ito ay malaking pagkatuwa, natuwa siya sa buhay pagkatapos ng sa kamatayan. Dahil dito, kinuha niya ang renda at nagsabi: "O Allāh, Ikaw ay alipin ko at ako ay Panginoon Mo!" Ninais niyang ipagbunyi si Allāh at sabihin: "O Allāh, Ikaw ay Panginoon ko at ako ay alipin Mo," subalit dahil sa tindi ng pagkatuwa niya ay nagkamali siya.