Nagtanong ang Propeta (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan) sa mga Kasamahan niya kung nagnanais ba sila na gumabay siya sa kanila sa mga gawaing magiging isang kadahilanan sa kapatawaran ng mga pagkakasala, pagkapawi sa mga ito mula sa mga talaan ng mga anghel na tagaingat, at kataasan ng mga katayuan sa Paraiso. Nagsabi ang mga Kasamahan: "Opo, nagnanais po kami niyon." Nagsabi siya: UNA: Ang pagkumpleto at ang paglulubos ng pagsasagawa ng wuḍū' sa kabila ng hirap gaya ng ginaw, kakauntian ng tubig, sakit ng katawan, at mainit na tubig. IKALAWA: Ang dami ng paghakbang – ang puwang sa pagitan ng dalawang paang lumalakad – patungo sa mga masjid dahil sa kalayuan sa tahanan at dami ng pag-uulit-ulit. IKATLO: Ang paghihintay sa oras ng ṣalāh, ang pagkahumaling ng puso rito, ang pagpapakahanda para rito, at ang pag-upo para rito sa masjid para sa paghihintay ng konggregasyon. Kapag dinasal niya ito, maghihintay siya sa pinagdasalan niya ng isa pang ṣalāh. Pagkatapos naglinaw ang Propeta (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan) na ang mga bagay na ito ay ang tunay na pagbabantay dahil ang mga ito ay pumipinid sa mga daan ng demonyo sa kaluluwa, sumusupil sa pithaya, at pumipigil dito laban sa pagtanggap ng mga pasaring kaya nananaig dahil sa mga ito ang lapian ni Allāh sa mga hukbo ng demonyo. Iyon ay ang pinakamalaking pakikibaka sapagkat ang mga ito ay naging nasa antas ng pagbabantay sa bukana ng kaaway.