Nagpabatid ang Propeta (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan) sa mga Kasamahan ng pagwawagi ng mga Muslim laban sa mga Hudyo ng Khaybar mula bukas. Iyon ay sa pamamagitan ng isang lalaking bibigyan niya ng watawat. Ito ay ang bandera na gagawin ng hukbo bilang sagisag para sa kanya. Ang lalaking ito ay may ilang katangian: na siya ay umiibig kay Allāh at sa Sugo Nito at umiibig sa kanya si Allāh at ang Sugo Nito. Kaya minagdamag ang mga Kasamahan sa gabi nila na tumatalakay at nag-uusap-usap tungkol sa kung kanino ibibigay ang watawat, dala ng pagkaibig sa dakilang karangalang ito. Noong sumapit ang umaga, pumunta sila sa Propeta (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan). Lahat sila ay naghahangad na magtamo ng karangalang ito. Nagtanong ang Propeta (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan) tungkol kay `Alīy bin Abī Ṭālib (malugod si Allāh sa kanya). Kaya sinabi: "Tunay na siya ay maysakit, na naghihinaing ng mga mata niya." Kaya ipinasundo si `Alīy ng Propeta (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan) saka inihatid nila siya. Dumura ang Propeta sa mga mata niya ng marangal na laway nito at dumalangin ito para sa kanya saka gumaling naman siya mula sa karamdaman niya. Para bang hindi siya nagkaroon ng sakit. Ibinigay ng Propeta sa kanya ang watawat at inutusan siya na humayo nang marahan hanggang sa makalapit siya sa muog ng kaaway saka mag-aalok siya sa kanila ng pagpasok sa Islām. Kung tumugon sila sa kanya, magpapabatid siya sa kanila ng kinakailangan sa kanila mula sa mga tungkulin. Pagkatapos naglinaw ang Propeta (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan) kay `Alīy ng kainaman ng pag-aanyaya tungo kay Allāh at na ang tagapag-anyaya, kapag siya ay naging kadahilanan sa kapatnubayan ng iisang tao, iyon ay higit na mabuti para sa kanya kaysa sa magkaroon siya ng mga pulang kamelyo, na pinakamamahaling ari-arian ng mga Arabe, para magmay-ari ng mga ito o magkawanggawa ng mga ito.