Itinuro ng Propeta (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan) kay Ibnu Mas`ūd (malugod si Allāh sa kanya) ang tashahhud na sinasabi sa ṣalāh. Inilagay nga ng Propeta ang kamay ni Ibnu Mas`ūd sa mga kamay niya upang mabaling ang pansin nito sa kanya gaya ng pagtuturo niya rito ng kabanata mula sa Qur'ān, na nagpapatunay sa pagmamalasakit ng Propeta (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan) sa tashahhud na ito sa bigkas at sa kahulugan. Nagsabi siya: "Attaḥīyātu lillāhi (Ang mga pagbati ay ukol kay Allāh,)": Ang mga ito ay bawat sinasabi o ginagawang nagpapahiwatig ng pagdakila, na ang lahat ng mga ito ay karapat-dapat kay Allāh (kamahal-mahalan Siya at kapita-pitagan). "wa-ṣṣalawātu (at ang mga dasal)": Ang mga ito ay ang ṣalāh na nakilala, ang tungkulin sa mga ito at ang kusang-loob sa mga ito ay ukol kay Allāh (napakataas Siya). "wa-ṭṭayyibāt (at mga kaaya-aya)": Ang mga ito ay ang mga sinasabi, ang mga ginagawa, at ang mga paglalarawang kaaya-aya at nagpapatunay sa kalubusan, na ang lahat ng mga ito ay karapat-dapat kay Allāh (napakataas Siya). "Assalāmu `alayka ayyuha -nnabīyu wa-raḥmatu -llāhi wa-barakātuh, (Ang pangangalaga ay sumaiyo, o Propeta, at ang awa ni Allāh at ang biyaya Niya.)": Isang panalangin para sa kanya ng pagkaligtas sa bawat salot at kinasusuklaman at ng dagdag at dami ng bawat kabutihan. "Assalāmu `alaynā wa-`alā `ibādi -llāhi -ṣṣālihīn (Ang pangangalaga ay sa amin at sa mga maayos na lingkod ni Allāh)": Isang panalangin ng pagkaligtas para sa tagapagsagawa ng ṣalāh at para sa bawat maayos na lingkod sa langit at lupa. "Ashhadu an lā ilāha illa -llāh (Sumasaksi ako na walang Diyos kundi si Allāh,)": Ibig sabihin: Kumikilala ako sa isang tiyakang pagkilala rito na walang sinasambang totoo kundi si Allāh. "wa-ashhadu anna muḥammadan `abduhu wa-rasūluh (at sumasaksi ako na si Muḥammad ay Lingkod Niya at Sugo Niya.)": Kumikilala ako para sa kanya ng pagkamananamba at pagkasugong pangwakas. Pagkatapos hinimok ng Propeta (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan) ang tagapagsagawa ng ṣalāh na mamili mula sa panalangin ng anumang niloob niya.