Nagpapabatid ang Propeta (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan) tungkol sa kainaman ng maagang pagpunta sa ṣalāh sa Biyernes. Nagsisimula ang maagang pagpunta mula sa pagsikat ng araw hanggang sa pagdating ng imām. Ito ay limang yugto. Nahahati ang mga ito sa limang bahagi alinsunod sa oras sa pagitan ng pagsikat ng araw hanggang sa pagpasok ng imām at pag-akyat niya sa mimbar para sa khuṭbah: A. Ang sinumang naligo ng isang kumpletong paligo gaya ng pagpaligo ng janābah, pagkatapos pumunta siya sa masjid ng ṣalāh sa Biyernes sa unang yugto, para bang nagkawanggawa siya ng isang kamelyo. B. Ang sinumang pumunta sa ikalawang yugto, para bang nagkawanggawa siya ng isang baka. C. Ang sinumang pumunta sa ikatlong yugto, para bang nagkawanggawa siya ng isang tupa – lalaking tupa na may sungay. D. Ang sinumang pumunta sa ikaapat na yugto, para bang nagkawanggawa siya ng isang manok. E. Ang sinumang pumunta sa ikalimang yugto, para bang nagkawanggawa siya ng isang itlog. Kapag lumabas na ang imām para sa khuṭbah, tumitigil ang mga anghel na nakaupo sa mga pinto sa pagtatala ng mga pumapasok sa masjid ayon sa pagkakasunud-sunod at pumupunta sila upang makinig sila sa dhikr at khuṭbah.