May dumating na isang grupo sa Propeta (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan). Ang bilang nila ay sampu. Tumanggap siya ng pangako ng katapatan ng siyam sa kanila sa pag-anib sa Islām at pakikipagsunuran at hindi siya tumanggap sa pangako ng katapatan ng ikasampu. Noong tinanong siya tungkol sa kadahilanan niyon, nagsabi siya (sumakanya ang basbas at ang pangangalaga): "Tunay na sa kanya ay may anting-anting." Ito ay ang itinatali o ang isinasabit na yari sa abaloryo (beads) at iba pa rito para sa pagtulak daw sa usog at pinsala. Kaya ipinasok ng lalaki ang kamay nito sa kinalalagyan ng anting-anting, pinutol nito iyon at iwinaksi nito iyon. Kaya naman tumanggap ang Propeta (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan) ng pangako ng katapatan nito sa sandaling iyon. Nagsabi siya habang nagbibigay-babala laban sa mga anting-anting at habang naglilinaw sa kahatulan sa mga ito: "Ang sinumang nagsuot ng anting-anting, nagtambal nga siya [kay Allāh]."