Nagpadala ang Propeta (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan) ng isang hukbo. Gumawa siya sa isang lalaking kabilang sa mga Tagaadya bilang pinuno sa kanila at nag-utos siya ng pagtalima rito. Ngunit nagalit ang pinuno at nagsabi sa kanila: "Hindi ba nag-utos sa inyo ang Propeta (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan) na tumalima kayo sa akin?" Nagsabi sila: "Oo." Nagsabi ito: "Kaya nag-utos nga ako sa inyo na magtipon kayo ng kahoy na panggatong at magpaningas kayo ng apoy pagkatapos pumasok kayo roon." Kaya tinipon nila ang panggatong at pinaningas nila ang apoy. Noong binalak nila ang pagpasok doon, nagsimulang tumingin ang isa't isa sa kanila. Nagsabi sila: "Tunay na kami ay hindi sumunod sa Propeta (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan) kundi bilang pagtakas mula sa apoy, kaya papasok kaya kami roon?" Habang sila ay gayon, naapula ang liyab ng apoy at naglaho sa pinuno ang galit nito. Ipinabatid naman iyon sa Propeta (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan) kaya nagsabi siya: "Kung sakaling tumalima kayo sa kanya at pumasok kayo sa apoy na pinaningas niya, talaga sanang pinagdusa kayo roon at hindi sana kayo nakalabas mula roon nang singtagal ng Mundo. Walang pagtalima sa isang nilikha kapalit ng pagsuway sa Tagalikha. Kinakailangan lamang ang pagtalima sa nakabubuti hindi sa pagsuway."