May pumasok na isang Arabeng-disyerto sa Masjid ng Propeta (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan) nang araw ng Biyernes mula sa pinto ng silangang bahagi ng Masjid paharap sa bahay ni `Umar bin Al-Khaṭṭāb (malugod si Allāh dito) samantalang ang Propeta (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan) ay nakatayo habang nagtatalumpati saka humarap ang lalaki sa Propeta (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan) at nagsabi: "O Sugo ni Allāh, nasawi ang mga hayupan at nagkaputul-putol ang mga landas dahil sa pagkamatay ng mga hayop na naghahatid ng mga tao o dahil sa panghihina ng mga ito dala ng pagkagutom, kaya manalangin ka kay Allāh na magpainom Siya ng ulan." Kaya nag-angat siya (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan) ng mga kamay niya, pagkatapos nagsabi siya: "O Allāh, sumaklolo Ka sa amin. O Allāh, sumaklolo Ka sa amin. O Allāh, sumaklolo Ka sa amin." Nagsabi si Anas bin Mālik (malugod si Allāh sa kanya): "Sumpa man kay Allāh, hindi kami nakakikita sa langit ng kahit isang piraso ng ulap. Wala sa pagitan namin sa Masjid at ng Bundok Sal` – sa kanlurang bahagi ng Masjid kung saan dumarating mula sa dako nito ang kaulapan – na anumang bahay ni tahanang nagtatabing sa kanila sa pagkakita niyon." Nagsabi pa si Anas (malugod si Allāh sa kanya): "Saka may lumitaw mula sa likuran niyon na isang ulap na bilohabang tulad ng kalasag – maliit na malapinggan – saka noong pumagitna ito sa langit ng Madīnah, kumalat ito, pagkatapos nagpaulan ito. Kaya sumpa man kay Allāh, hindi namin nakita ang araw dahil sa ulan hanggang sa kasunod na Biyernes kung kailan pumasok ang lalaking iyon mula sa pintong iyon habang ang Propeta (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan) ay nakatayo habang nagtatalumpati saka humarap ito sa kanya habang nakatayo saka nagsabi ito: "O Sugo ni Allāh, nasawi ang mga ari-arian at naputol ang mga landas, kaya manalangin ka kay Allāh na pigilin ang ulan para sa amin." Nagsabi ito: "Kaya nag-angat ang Propeta (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan) ng mga kamay niya. Pagkatapos nagsabi siya: "O Allāh, ibaling ang ulan sa mga palibot namin at huwag laban sa amin; O Allāh sa anumang tumaas na lupa gaya ng burol, mga kaloob-looban ng mga lambak, at mga tinutubuan ng punong-kahoy." Nagsabi pa si Anas: "Kaya naputol ang ulap na umuulan at lumabas kami na naglalakad sa ilalim ng araw."