Nagpapabatid ang Anak ni `Abbās (malugod si Allāh sa kanya) na noong siya ay isang bata pa na nakasakay kasama ng Propeta (basbasan ito ni Allāh at pangalagaan), nagsabi ito sa kanya: "Tunay na ako ay magtuturo sa iyo ng mga usapin at mga bagay na magpapakinabang sa iyo si Allāh sa pamamagitan ng mga ito: Magmaalalahanin ka kay Allāh sa pamamagitan ng pagmamaalalahanin sa mga ipinag-uutos Niya at pag-iwas sa mga sinasaway Niya, kung saan makatatagpo Siya sa iyo sa mga pagtalima at mga pagpapakalapit-loob at hindi Siya makatatagpo sa iyo sa mga pagsuway at mga kasalanan. Kung ginawa mo iyon, ang ganti sa iyo ay na magmaalalahanin sa iyo si Allāh laban sa mga kinasusuklaman sa Mundo at Kabilang-buhay at mag-adya Siya sa iyo sa mga gawain mo saan ka man dumako. Kapag nagnais ka na humingi ng isang bagay, huwag kang humingi kundi kay Allāh sapagkat tunay na Siya – tanging Siya – ang tumutugon sa mga humihingi. Kapag nagnais ka ng tulong, huwag kang magpatulong kundi kay Allāh. Magkaroon sa iyo ng isang katiyakan na walang mangyayari para sa iyo na isang kapakinabangan kahit pa man nagkabuklod sa pagpapakinabang sa iyo ang mga mamamayan ng daigdig nang lahatan maliban sa naitala ni Allāh para sa iyo at walang mangyayari laban sa iyo na isang kapinsalaan kahit pa man nagkabuklod sa pagpinsala sa iyo ang mga mamamayan ng daigdig nang lahatan maliban sa naitakda ni Allāh laban sa iyo. Ang bagay na ito ay naitala na ni Allāh (kamahal-mahalan Siya at kapita-pitagan) at naitakda na Niya alinsunod sa hiniling ng karunungan Niya at kaalaman Niya. Walang pagpapalit sa naitala ni Allāh. Ang sinumang nagmaalalahanin kay Allāh sa pamamagitan ng pagmamaalalahanin sa mga ipinag-uutos Niya at pag-iwas sa mga sinasaway Niya, tunay na Siya (kaluwalhatian sa Kanya) ay nasa harapan ng lingkod, na nakaaalam sa anumang nasa kanya, nag-aadya sa kanya, at umaalalay sa kanya. Ang tao, kapag tumalima siya kay Allāh sa kaalwanan, ay tunay na si Allāh ay gagawa para sa kanya sa sandali ng kagipitan ng isang pagkagalak at isang malalabasan [sa kagipitan]. Malugod ang bawat tao sa anumang itinakda ni Allāh sa kanya na kabutihan o kasamaan. Sa kabila ng mga kagipitan at mga pagsubok, mananatili ang tao sa pagtitiis sapagkat tunay na ang pagtitiis ay susi ng pagkagalak. Ang dalamhati, kapag tumindi ito, ay dumarating ang pagkagalak mula kay Allāh. Ang hirap, kapag nangyari ito, ay pinasusundan ni Allāh ng ginhawa.