Nagpabatid ang Propeta (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan) na noong iniakyat siya sa langit sa Gabi ng Isrā' at Mi`rāj (Paglalakbay at Pagpanik), naparaan siya sa mga taong mayroon silang mga kukong yari sa tanso, na nanggagasgas sila at naggugula-gulanit sila sa pamamagitan ng mga ito sa mga mukha nila at mga dibdib nila. Kaya naman nagsabi siya (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan) kay Anghel Gabriel (sumakanya ang pangangalaga): "Ano ang ginawa ng mga ito upang gantihan sila ng pagdurusang ito?" Nagsabi si Anghel Gabriel (sumakanya ang pangangalaga): "Ang mga ito ay ang mga nanlilibak sa mga tao at nagsasalita kaugnay sa mga dangal nila nang walang karapatan."