Nagpadala ang Propeta (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan) kay `Ammār bin Yāsir (malugod si Allāh dito) sa isang paglalakbay para sa isa sa mga pangangailangan nito saka dumating sa kanya ang janābah dahil sa pakikipagtalik o paglabas ng punlay nang may pagnanasa ngunit hindi siya nakatagpo ng tubig upang maligo siya mula rito. Hindi siya nakaaalam noon ng patakaran ng pagsasagawa ng tayammum para sa janābah. Nakaaalam lamang siya ng patakaran nito para sa maliit na ḥadath. Kaya nangatwiran siya at nagpalagay siya na kung paanong ipinapahid ang alabok na nasa ibabaw ng lupa sa mga bahaging pinagsasagawaan ng wuḍū' para sa maliit na ḥadath, walang pagkaiwas na ang tayammum dahil sa janābah ay sa pamamagitan ng pagpapahid sa buong katawan ng alabok bilang analohiya sa tubig. Kaya naman nagpagulung-gulong siya sa alabok hanggang sa napahiran ang buong katawan at nagsagawa siya ng ṣalāh. Noong dumating siya sa Propeta (basbasan ito ni Allāh at pangalagaan), binanggit niya rito iyon upang malaman niya kung siya ba ay nasa tama o hindi. Naglinaw sa kanya ang Propeta (basbasan ito ni Allāh at pangalagaan) ng pamamaraan ng pagsasagawa ng tayammum mula sa maliit na ḥadath gaya ng pag-ihi at malaking ḥadath gaya ng janābah. Ito ay ang magtapik siya ng mga palad niya sa alabok nang iisang tapik, pagkatapos magpahid siya ng kaliwang palad sa kanang kamay, likod ng mga palad niya, at mukha niya.