Nangaral ang Propeta (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan) sa mga Kasamahan niya ng isang marubdob na pangaral na nangamba rito ang mga puso at lumuha dahil dito ang mga mata. Kaya nagsabi sila: "O Sugo ni Allāh, para bang iyan ay isang pangaral ng isang namamaalam." Dahil ito sa nakita nila na pagpapasidhi niya (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan) sa pangangaral kaya humiling sila ng isang tagubilin upang kapitan nila matapos niya. Nagsabi siya: "Nagtatagubilin ako sa inyo ng pangingilag magkasala kay Allāh (kamahal-mahalan Siya at kapita-pitagan) – at iyon ay sa pamamagitan ng paggawa ng mga kinakailangan at pag-iwan sa mga ipinagbabawal – at ng pagdinig at pagtalima – ibig sabihin: sa mga pinuno – kahit pa namuno sa inyo ang isang alipin o namahala ito sa inyo. Ibig sabihin: ang pinakamababang nilikha ay naging pinuno sa inyo. Kaya huwag kayong mangmata niyon at tumalima kayo sa kanya, dala ng pangamba ng pagpukaw ng mga sigalot sapagkat tunay na ang sinumang mamumuhay kabilang sa inyo ay makakikita ng maraming pagkakaiba-iba. Pagkatapos nilinaw niya sa kanila ang labasan mula sa pagkakaiba-ibang ito. Iyon ay sa pamamagitan ng pagkapit sa Sunnah niya at Sunnah ng mga Matinong Napatnubayang Khalīfah noong matapos niya, na sina Abū Bakr Aṣ-Ṣiddīq, `Umar bin `Al-Khaṭṭāb, `Uthmān bin `Affān, at `Alīy bin Abī Ṭālib (malugod si Allāh sa kanilang lahat), at ng pagkagat dito ng mga bagang-bait – ibig sabihin: ang mga huling bagang. Ipinakakahulugan sa pamamagitan niyon ang pagseseryoso sa pananatili sa Sunnah at pagkapit dito. Nagbigay-babala siya laban sa mga pinausong ginawang bid`ah na gawain sa Relihiyong Islām sapagkat tunay na ang bawat bid`ah ay kaligawan.