Nagsabi si Az-Zubayr bin Al-`Awām, malugod si Allāh sa kanya, sa anak niyang si `Abdullāh noong Araw ng Kamelyo, isang labanang naganap dahil sa pagsusuko sa mga pumatay kay `Uthmān: "Wala akong nakikita sa sarili ko malibang bilang isang martir o isang naaapi. Tunay na ang bumabagabag sa akin ay ang mga utang ko na nagpabigat sa akin kaya bayaran mo ang mga ito para sa akin." Ang mga utang niya ay nakaapekto sa buong ari-arian niya ngunit sa kabila niyon ay nagtagubilin siya ng salapi para sa mga anak ng anak niya dahil siya ay nakaaalam na sila ay walang bahagi sa mamanahin dahil ang anak niya ay buhay pa. Nagtalaga siya para sa kanila ng ikatlong bahagi ng ikatlong bahagi ng tagubilin at ikasiyam na bahagi ng lahat. Ang mga tao noon ay nagpapalagak ng mga salapi nila sa kanya at natatakot siyang kunin ang mga ito bilang isang lagak dahil sa pangambang mawala. Nagsasabi siya: "Hindi iyan isang lagak bagkus iyan ay isang pautang na babayaran ko." Siya ay isang lalaking malayo sa kamunduhan at mapagkakatiwalaan. Hindi siya nanungkulan bilang isang gobernador ni maging anuman. Noong yumao siya at nabayaran para sa kanya ng mga anak niya ang mga utang niya at may natira mula sa yaman niya, hiniling ng mga tagapagmana niya kay `Abdullāh na hatiin ito sa kanila. Tumanggi si `Abdullāh na gawin ito malibang matapos manawagan sa panahon ng ḥajj. Kung lumitaw na walang natirang isa mang kabilang sa may pautang kay Az-Zubayr, hahatiin ito ni `Abdullāh sa kanila. Yayamang walang anumang natira sa utang niya na hindi nabayaran, ibinigay niya ang ikawalong bahagi sa mga maybahay nito. Iyon ang parte nila mula sa naiwan niya. Nang araw na iyon, siya ay may apat na maybahay.