Nilubos ni `Amr bin Ḥafṣ ang diborsiyo niya sa maybahay niyang si Fāṭimah bint Qays. Ito ang huling diborsiyo nito sa kanya. Ang diniborsiyo nang lubos ay walang karapatan sa sustento mula sa asawa niya ngunit si `Amr ay nagpadala sa kanya ng sebada. Inakala niyang ang sustento sa kanya ay tungkulin nito hanggat siya ay nasa `iddah. Minaliit niya ang sebada at kinasuklaman kaya nanumpa si `Amr na wala siyang anumang karapatan dito. Nagsumbong siya sa Sugo ni Allāh, pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan, at ipinabatid nito sa kanya na siya ay walang karapatan sa sustento mula roon ni tirahan. Inutusan nito siya na magsagawa ng `iddah sa bahay ni Umm Sharīk. Noong binanggit ng Propeta, pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan, na si Umm Sharīk ay madalas balik-balikan sa bahay nito ng mga kasamahan, ipinag-utos nito sa kanya na magsagawa ng `iddah sa tahanan ng anak ni Umm Maktūm dahil sa pagiging lalaking bulag niyon at hindi siya nito makikita kapag hinubad niya ang mga damit niya. Ipinag-utos din ng Propeta, pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan, sa kanya na ipabatid niya rito ang pagtatapos ng `iddah niya. Noong natapos ang `iddah niya, inalok siya ng kasal nina Mu`āwiyah at Abū Jahm. Sinangguni niya ang Propeta, pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan, hinggil doon. Yayamang ang pagpapayo ay isinasatungkulin, lalo na sa sumasangguni, tunay na ang Propeta, pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan, ay hindi sumang-ayon para sa kanya sa alinman sa dalawa dahil si Abū Jahm ay mahigpit sa mga babae at si Mu`āwiyah ay mahirap, walang salapi. Ipinag-utos nito sa kanya na magpakasal kay Usāmah bin Zayd. Kinasuklaman niya iyon dahil sa pagiging pinalayang alipin niyon subalit siya ay sumunod sa utos ng Propeta, pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan. Tinanggap niya si Zayd at nasiyahan siya rito at naglagay si Allāh dito ng maraming biyaya.