Ang sinapupunan (raḥim) ay may kaugnayan kay Allāh, kamahal-mahalan Siya at kapita-pitagan, sapagkat hinango ang pangalan nito mula sa pangalan ng Napakamaawain (Raḥmān). Ang ḥadīth na ito ay kabilang sa kabuuan ng mga ḥadīth ng mga katangian [ni Allāh] na itinakda ng mga imām na daanan kung papaanong dumating. Tumutol sila sa sinumang nagkakaila sa inoobliga nito. Ang pag-iwas sa pagtutol na iyon ay kabilang sa mga katangiang kinakailangan ang pananampalataya nang walang paglilihis ng kahulugan, walang pag-aalis ng kahulugan, walang pagpapaliwanag ng kahulugan, at walang pagtutulad. Kaya naman maniniwalang ang sinapupunan, na tumutukoy sa pagkakamag-anak, ay panghahawakan; na si Allāh, kamahal-mahalan Siya at kapita-pitagan, ay nagpapanatili ng ugnayang pangkaanak sa sinumang nagpapanatili nito. Ang sinumang pumutol ng ugnayan niya at hindi nagpanatili ng ugnayan sa kaanak niya, puputulin ni Allāh ang ugnayan sa kanya. Ang sinumang pinutol ni Allāh ang ugnayan sa kanya, siya ay ang putol ang ugnayan kay Allāh, kasama ng kaaway ni Allāh, ang demonyong itinaboy at isinumpa. Kung sakaling ninais ng lahat ng nilikha na magpanatili ng kaugnayan sa kanya at magdulot ng pakinabang sa kanya, hindi niya pakikinabangan iyon.