Noong ninais ni `Amr bin Sa`īd bin Al-`Āṣṣ, kilala bilang Al-Ashdaq, na maghanda ng hukbo patungong Makkah, habang ito nang araw na iyon ay isang pinuno ni Yazīd bin Mu`āwiyah sa Madīnah Munawwarah, para makipaglaban kay `Abdullāh bin Az-Zubayr, malugod si Allāh sa kanilang dalawa, pumunta sa kanya si Abū Shurayḥ Khuwaylid bin `Amr Al-Khuzā`īy Al-`Adawīy upang pagpayuhan siya hinggil doon. Dahil sa ang pinagpapayuhan ay malaking tao sa sarili nito, nagpakabanayad si Abū Shurayḥ rito sa pakikipag-usap dala ng katalinuhang taglay niya at katinuan ng isip upang maging higit na kaakit-akit sa pagtanggap ng payo at sa kaligtasan ng kahihinatnan. Nagpaalam siya rito upang magbigay rito ng payo hinggil sa usapin ng pagpapadala nito ng hukbo na pinagsusumikapan nito. Ipinabatid niya rito na siya ay nakatitiyak sa katumpakan ng ḥadīth na ibibigay niya rito at nagtitiwala sa pagkatotoo niyon yamang narinig iyon ng mga tainga niya, natalos ng puso niya, at nakita ng mga mata niya nang nagsasalita hinggil doon ang Propeta, pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan. Pinahintulutan naman siya ni `Amr bin Sa`īd bin Al-`Āṣṣ sa pagsasalita. Nagsabi si Abū Shurayḥ: Tunay na ang Propeta, pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan, noong umaga ng pagsakop sa Makkah ay nagpuri kay Allāh at nagbunyi sa Kanya. Pagkatapos ay nagsabi siya: "Tunay na ang Makkah ay binanal ni Allāh sa araw ng paglikha ng mga langit at lupa," kaya ito ay matanda sa pagdakila at pagbabanal, "hindi ito binanal ng mga tao gaya ng pagbabanal sa laang pastulang pansamantala, mga karaniwang pastulan, at mga tubigan. Si Allāh lamang ang nagsagawa ng pagbabanal nito upang maging higit na dakila at higit na taimtim. Kaya kapag ang pagbabanal doon ay matanda na at mula kay Allāh, hindi ipinahihintulot sa taong naniniwala kay Allāh at sa Huling Araw - kung ito ay nangangalaga sa pananampalataya nito - na magpadanak doon ng dugo ni pumutol ng punong-kahoy. Kung may isang nagpaalaman makipaglaban dahil sa pakikipaglaban ko sa araw ng pagsakop, sabihin ninyo: Tunay na ikaw ay hindi gaya ng kalagayan ng Sugo ni Allāh, pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan, sapagkat nagpahintulot nga Siya sa kanya at hindi nagpahintulot sa iyo yamang Siya ay hindi nagpahintulot ng paglalaban doon palagi. Ito ay isang yugto sa maghapon lamang ayon sa pangangailangang iyon. Bumalik na ang kabanalan nito gaya ng dati kaya iparating na nakasasaksi sa lumiban." Dahil dito ipinarating ko sa iyo, o pinuno, dahil sa pagiging saksi ko sa pananalitang ito noong umaga ng pagsakop at ikaw ay hindi nakasaksi niyon. Nagsabi ang mga tao kay Abū Shurayḥ: "Ano ang isinagot sa iyo ni `Amr?" Nagsabi siya: Sinagot niya ako sa sabi niya: "Ako ay higit na nakaaalam niyon kaysa sa iyo, o Abū Shurayḥ; tunay na ang pook na binanal ay hindi nagkukupkop ng isang suwail ni ng isang tumatakas dahil sa pagnanakaw." Sinalungat nito ang ḥadīth ayon sa opinyon nito at hindi ito nagpigil sa pagpapadala ng mga hukbo upang kalabanin si Ibnu Az-Zubayr, bagkus ipinagpatuloy nito iyon. Taysīr Al-`Allām pahina 381, Tanbīh Al-Afhām tomo 3/509-510, at Ta’sīs Al-Aḥkām 3/346.