Nagpapabatid sa atin si Jābir, malugod si Allāh sa kanya, na ang Propeta, pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan, ay naparaan sa palengke sa isang batang batang kambing, na putol ang mga tainga. Kinuha ito ng Propeta, pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan, iniangat niya ito, at nagsabi siya: "May isa ba sa inyong magnanais nito kapalit ng isang dirham?" Nagsabi sila: "O Sugo ni Allāh, hindi po namin nanaisin iyan kapalit ng anuman." Nagsabi siya: "May isa ba sa inyong maghahangad na mapasakanya ito?" Nagsabi sila: "Hindi po." Nagsabi siya: "Tunay na ang Mundo ay higit na hamak para kay Allāh, pagkataas-taas Niya, kaysa sa batang kambing na ito." Ninais ng Propeta, pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan, na linawin sa mga Kasamahan niya at Kalipunan niya matapos niya na ang Mundo ay higit na hamak at higit na aba sa ganang kay Allāh, pagkataas-taas Niya, kaysa rito sa patay na batang kambing na putol ang mga tainga, na inaayawan ng mga matinong kaluluwa. Ito ang kalagayan ng Mundo sa paghahambing sa Kabilang-buhay: walang halaga ito sa ganang kay Allāh at hindi tumitimbang ng isang pakpak ng isang lamok, gaya ng nasa ḥadīth ayon kay Sahl bin Sa`d, malugod si Allāh sa kanya, ayon sa Propeta, pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan: "Kung nangyaring ang Mundo ay nakatutumbas sa ganang kay Allāh sa isang pakpak ng isang lamok, hindi sana siya nagpainom mula rito sa isang tumatangging sumampalataya ng isang inom na tubig." Isinaysay ito ni Imām At-Tirmidhīy, numero 2320. Itinuring na tumpak ito ni Shaykh Al-Albānīy sa Ṣaḥīḥ wa Ḍa`īf Sunan At-Tirmidhīy, numero 2320. Ninais ng Propeta, pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan, na himukin ang mga Kasamahan niya at Kalipunan niya matapos niya na gawin nila ng Mundo bilang kaparaanan tungo sa pagdating sa ninanais ni Allāh, hindi para maging pakay nila at layon nila dahil tunay na nasa gayon ang kapahamakan nila.