Si Umm Ḥabībah bint Abī Sufyān ay isa sa mga ina ng mga Mananampalataya, malugod si Allāh sa kanila. Siya ay mapalad at maligaya sa pagkakapangasawa niya sa Sugo ni Allāh, pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan, at naging karapat-dapat siya roon. Kaya naman hiniling niya sa Propeta, pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan, na pakasalan ang kapatid niya. Nagulat ang Propeta, pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan, kung papaanong pumayag ito na pakasalan ang magiging kahati nito yamang ang mga babae ay may matinding selos doon. Dahil dito, nagtatanong at nagtatakang nagsabi siya: "At naiibigan mo ba iyon?" Nagsabi ito: "Oo; naiibigan ko iyon." Pagkatapos ay nilinaw nito sa kanya ang dahilang alang-alang doon ay minabuti nitong pakasalan niya ang kapatid nito: kailangang mayroon itong kahati sa kanya sa mga babae, hindi nito siya masosolo nang mag-isa, at ang magiging kahati para rito sa dakilang kabutihang ito ay ang kapatid nito. Para bang siya ay hindi nakaaalam sa pagbabawal sa pagsasabay sa magkakapatid bilang asawa. Dahil dito, ipinabatid niya na ang kapatid nito ay hindi ipinahihintulot sa kanya na maging asawa kasabay nito. Ibinalita nito na naikuwento ritong siya ay magpapakasal sa anak ni Abū Salamah. Nagtanong siya rito at nag-usisa: "Tinutukoy mo ba ang anak ni Umm Salamah?" Nagsabi ito: "Oo." Nagsabi siya habang naglilinaw sa kasinungalingan ng bulung-bulungan: "Tunay na ang anak ni Umm Salamah ay hindi ipinahihintulot sa akin dahil sa dalawang dahilan: Una: Siya ay anak na panguman ko na itinataguyod ko ang mga kapakanan niya sa pangangalaga ko sapagkat siya ay anak ng asawa ko; Ikalawa: Siya ay anak ng kapatid ko sa pagpapasuso sapagkat pinasuso ako at ang ama niyang si Abū Salamah ni Thuwaybah - ang alipin ni Abū Lahab - kaya naman ako ay tiyuhin niya rin. Huwag ninyong ialok sa akin ang mga anak ninyo at ang mga kapatid ninyo. Ako ay higit na nakaaalam at higit na karapat-dapat kaysa sa inyo sa pangangasiwa ng nauukol sa akin sa tulad nito."